HINIKAYAT ni Partido Reporma presidential aspirant at Senador Panfilo Lacson ang Food and Drug Administration na maglabas na ng permiso para maibenta sa merkado ang mga tableta na kontra COVID-19.
“‘Yung mismong permiso ibigay na, ilabas na ng FDA para ‘pag nandiyan na sa merkado, bibili na lang tayo o bibili ‘yung national government, local government, ipapamahagi sa mga public hospital,” pahayag ni Lacson sa kanyang Online Kumustahan sa Cabuyao, Laguna.
Ito anya ang sagot para magtuloy-tuloy ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Ang gamot na tinutukoy ng Partido Reporma standard bearer ay ang molnupiravir na ngayon ay pinapayagan na ng ibang bansa na inumin ng kani-kanilang mamamayan na nahawaan ng nabanggit na nakamamatay na karamdaman.
Ang nasabing gamot ay nadiskubre at dinebelop ng Merck and Ridgeback Biotherapeutics, na kung saan, sa pamamagitan ng tamang pag-inom ay kayang makaawat ng hanggang 50 porsiyentong tsansa sa mga pasyente na maospital.
Mababawasan pa lalo aniya ang mga nagdadalawang-isip na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19 dahil ang molnupiravir ay iinumin na lamang na higit na kumbeniyente at walang kirot kumpara sa pagpapaturok.
Sa kasalukuyan, apat na ospital pa lamang ang binigyan ng permiso ng FDA para sa compassionate use bagama’t ang kumpanyang gumawa ng gamot ay nag-aplay na ng EUA sa ahensiya nitong nakalipas na buwan.
Ang molnupiravir ay ginagamit na sa mga pasyente ng COVID-19 sa United Kingdom. ###