PH ‘di pa kritikal vs Covid-19–Malacanang


IGINIIT ng Malacañang na hindi pa kritikal ang Pilipinas sa Covid-19 dahil kaya pang alagaan ng pamahalaan ang lahat ng may sakit.


“Hindi pa po tayo critical. Kaya pa nating alagaan ‘yung mga magkakasakit,” ani presidential spokesperson Harry Roque sa briefing ngayong araw.


Idinagdag ni Roque na “on track” din ang bansa sa laban kontra Covid-19 kahit pa naitala kahapon ang pinakamataas na bilang ng arawang kaso at ang posibleng pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant sa National Capital Region.


Inihayag ng Department of Health nitong Lunes na mayroong 18,332 bagong kaso, kung saan 4,805 ay sa Metro Manila, ilang araw makaraang ipatupad ang dalawang-linggong enhanced community quarantine.


Ani Roque, ipinairal ang ECQ upang hindi umabot sa 20,000 ang daily cases.


“We are within projection, for as long as we do not exceed 20,000 per day. That is the projection. Kung ang iniisip n’yo iyong ECQ will result in a drastic reduce in cases, hindi po ‘yan ang projection,” paliwanag niya.


“I would say we are on track,” dagdag niya. –WC