NANGANGAMBA ang isang infectious diseases expert na baka maranasan ng Pilipinas ang Covid-19 surge na gaya ng sa Indonesia dahil sa mas nakahahawang Delta variant.
Kaya ang suhestiyon ni Dr. Anna Ong Lim ng University of the Philippines-Philippine General Hospital ay bakunahan na ang lahat ng mga senior citizens at mga nasa hustong gulang na may comorbidities.
“Kinakabahan ako,” ani Lim sa isang panayam. “Alam naman natin na malaki ‘yung supply issue natin, so importante talagang habulin ‘yun vaccination ng A2 at A3. Kung mayroon pang natitirang A2 at A3 sa pamilya ninyo na hindi pa nababakunahan, please pakidala na lang sa mga center.”
“Kung hindi na kaya ng inyong mga LGUs, gawan ninyo ng paraan. It’s the only way we can prevent being overwhelmed,” dagdag niya.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na maghanda ng mga pasilidad para sa mga mild at moderate cases para may sapat na lugar sa mga ospital ang mga severe at critical cases.
Kaugnay nito, inihayag ng Department of Health na walo sa mga “gumaling” sa Delta variant ang nagpositibo uli sa Covid-19.
Apat dito ay nasa Cagayan de Oro, isa sa Manila, isa rin sa Misamis Oriental, at dalawa ay OFWs.