MULING tatanggap ng mga pasyente ng Covid-19 ang Philippine General Hospital (PGH) sa Martes makaraang mapinsala ng sunog ang ikatlong palapag ng gusali, ayon kay PGH director Gerardo Legaspi.
Sa briefing, humingi si Legaspi ng isang araw na “pahinga” sa pagtanggap ng mga pasyenteng may Covid-19 upang maglinis matapos ang sunog noong Linggo.
Ani Legaspi, kailangan pang tanggalin ang amoy ng sunog sa ilang parte ng ospital.
“Tuluy-tuloy ang pagtanggap sa Covid patients pero humingi ako ng isang araw lang na itigil muna ang pag-transfer hanggang ma-stabilize ang paglipat ng pasyente at ‘yung amoy ng usok (ay maalis) kasi kahit paano ay may amoy pa rin ang wards,” dagdag ng opisyal.
Sinabi pa ni Legaspi: “Kine-clear up namin ‘yung amoy ng usok bago punuin ng pasyente. Itong araw (Lunes) na ito baka hindi pa kami makakalipat ng pasyente but tomorrow we will resume accepting Covid-19 patients in PGH.”
Ayon pa sa PGH director, 30 pasyente ng Covid-19 ang pansamantalang inilipat sa emergency room dahil sa sunog.