Payo sa publiko: Huwag nang dumayo sa ibang community pantry

HINIKAYAT ng Department of Health official ang publiko na huwag nang dumayo sa ibang community pantry dahil maaaring maging “superspreader” ng Covid-19 ang nasabing mga pagtitipon.


‘Halimbawa, sa Quezon City ‘yang community pantry, bakit naman kayong taga-Paranaque ay pupunta po roon? ‘Yan pong community pantry, mainam po ‘yan sa kanya-kanyang barangay. So, huwag kayong dadayo,” ani Dr. Eric Tayag, director ng DOH knowledge management and information technology service.


“Kung gusto n’yong magka-community pantry, doon na lang sa barangay n’yo. Kilala n’yo kung sino nagbibigay at kilala n’yo rin kung sino ang kumukuha,” dagdag ng opisyal.


Sinabi ni Tayag na pwedeng maging dahilan para muling dumami ang kaso ng Covid-19 ang pagdidikit-dikit ng mga tao.


“Bagama’t maganda ang hangarin ng community pantry, maaaring maging isang dahilan ‘to na dumami na naman yung mga kaso natin,” aniya.