PATONG-PATONG na kaso ang naghihintay laban sa may-ari ng isang resort sa Caloocan City matapos mag-trending ang pool party na isinagawa sa lugar nitong Mother’s Day sakabila nang ipinaiiral na modified enhanced community quarantine.
Maging ang opisyal ng baranay Bagumbong na sumasakop sa resort na Gubat sa Ciudad ay nahaharap din sa posibleng mga kaso dahil sa nangyaring mass gathering sa loob ng resort.
Nag-viral nitong Linggo ang larawan at video sa loob ng resort kung saan napakarami ang nasa swimming pool at tila hindi alintana na may pandemya at may pinaiiral na community restriction.
Sa ilalim ng MECQ na pinaiiral sa National Capital Region at apat na lalawigan, bawal ang pag-operate ng mga resort.
Ayon sa bagong talagang hepe ng PNP na si General Guillermo Eleazar, kakasuhan nito ang may-ari ng resort at maging ang chairman ng barangay dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
“Talagang kakasuhan ng PNP itong may-ari nun at pinag-aaralan na file-an ng kaso pati ‘yung barangay chairman in the area for violation of Article 208 (negligence). They have to justify bakit hinayaan na mangyari yun,” pahayag ni Eleazar sa isinagawang briefing.