ISINAILALIM ang Palawan sa state of calamity dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya.
Sinabi ni Chief Public Information Officer Winston Arzaga na umabot na sa 620 ang active COVID-19 cases sa lalawigan.
Aniya, bagaman mababa ito sa ibang probinsya, kailangan matugunan ito ng lokal na pamahalaan kaya nagdeklara ito ng state of calamity.
“Mataas yan, although compared sa ibang probinsiya, mababa pa yan pero sa amin dangerous enough para sa amin. Kinakailangang matugunan ng pamahalaang probinsiya kaya nag declare ng emergency para sa ganun magamit namin ang aming calamity fund para matugunan ang pangangailangan natin,” sabi ni Arzaga.
Gagamitin ang pondo para pambili ng pagkain, antigen kits at dagdag na Personal Protectve Equipment.
“Food packs na kailangang ipreposition natin, yung additional antigen kits para sa ating frontliners na gagamitin sa mga border and then yung importante dito lalong mapablis yung paggawa ng molecular laboratory,” dagdag niya.
Dumating naman nitong Miyerkules ang 9,480 vials ng Sinovac na unang ibibigay sa mga munisipyong may mataas na kaso ng COVID-19.