MAGSISIMULA sa June ang pagbabakuna sa 791,000 teachers, na itinuturing na “frontline personnel in basic education and higher education institutions and agencies,” ayon kay Education Secretary Leonor Briones.
“Siguro mga June ito mag-umpisa kasi by that time mag-start na ng enrollment, marami nang activities sa eskwelahan at saka kailangan protektado ang mga teachers,” ani Briones sa briefing sa Palasyo.
Hindi kasama sa bilang ang mga guro na senior citizens at may comorbidities na nabakunahan na at mga nakapila na sa pagbabakuna.
“Napakalaking jump nito para sa mga teachers, magandang magandang balita para sa lahat. Matagal na namin itong kinakausap at kinakampanya para masama ang teachers sa mauna na mabakunahan sa A-list at galing sa B,” ani Briones.
Noong isang linggo ay inanunsyo ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na isinama na ang mga guro sa A4 cluster, kasunod ng mga medical frontliners, senior citizens, at may mga comorbidities sa bibigyan ng bakuna.