NAGPOSITIBO sa Covid-19 si Presidential Anti-Corruption Commission chairman Greco Belgica nitong Biyernes.
“Nakakalungkot na sa kabila ng ating pag-iingat ay tinamaan pa rin ako ng Covid-19,” ayon sa Facebook post ni Belgica.
“Tunay ngang hindi biro ang sakit na ito at talagang mapanganib,” dagdag ng opisyal.
Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Belgica ukol sa kanyang kondisyon, ngunit humingi ito ng dasal mula sa publiko.
“Positibo man tayo sa sakit ay positibo pa rin nating haharapin ang mga hamon ng aking sinumpaang tungkulin na labanan ang katiwalaan sa gobyerno,” sabi niya. “Humihingi ako ng dasal para sa aking paggaling at dasal para sa kaligtasan ng lahat.”
Ilan pa sa mga opisyal ng pamahalaan na nagka-Covid-19 ay sina presidential spokesman Harry Roque, Presidential Communications Operations Office chief Martin Andanar, Education Secretary Briones, Public Works Secretary Mark Villar, Trade Secretary Ramon Lopez, at Interior Secretary Eduardo Año. –A. Mae Rodriguez