P13B ayuda sa 11M Pinoy na apektado ng ECQ sa Metro Manila


INIHAYAG ni presidential spokesperson Harry Roque na naglaan ng P13 bilyon ang gobyerno bilang ayuda sa 11 milyong Pinoy na maaapektuhan ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila simula sa Agosto 6 hanggang Agosto 20.


Ani Roque, gagastos ang pamahalaan ng P10.7 bilyon para sa P1,000 kada residente habang ilalaan ang matitira na P2.4 bilyon bilang contingency funds.


“Mayroon tayong contingency for whatever we may still need ‘no. Dahil hindi naman po natin nasisigurado talaga iyong bilang. Lumalaki iyan, lumiliit, depende sa mga listahan,” ayon sa opisyal.


Idinagdag ni Roque na kukunin ang pondo mula sa mga savings at hindi nagamit na pondo ng mga ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng executive department. –WC