IGINIIT ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Omicron ang dominant variant ngayon sa bansa.
Sa pinakahuling genome sequencing na ginawa noong Enero 3, 29 sa 48 na mga sample ay may Omicron, habang 18 na sample ang may Delta variant.
“So siya na po ‘yung nagdodominate na variant, whereas before it was the Delta. So 60 percent of all the sequence ran, Omicron na po,” ayon kay Duque.
Sinabi rin ni Duque na naiulat na mga kaso kada araw ay tumaas ng 690 porsyento mula Enero 4 hanggang 10, na may average na pagtaas ng 20,481 na mga kaso kada araw.
Nangangahulugan din ito na ang buong Pilipinas ay nasa critical risk classification para sa COVID-19.
Bukod sa National Capital Region, ang Regions 4A at Region 3 ay critical risk, habang ang Cordillera Administrative Region, Regions 2, 1, 6, 5, 7, 4B at 11 ay high risk.
Dagdag ni Duque na nagkaroon ng pagtaas sa ospital, intensive care unit at mechanical ventilation utilization rates sa buong bansa.