OCTA: ‘Serious’ Covid-19 surge ramdam na sa NCR


SA pagpalo sa 1,740 bagong kaso ng Covid-19 nitong Sabado sa Metro Manila, naniniwala ang OCTA Research na “serious surge” na ang nararanasan sa rehiyon.


Ayon sa OCTA, ito na ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso mula noong unang linggo ng Mayo.


Tinukoy ng grupo na ang epicenter ng surge ay ang Malabon, Navotas at Valenzuela bagamat 13 siyudad sa rehiyon ang itinuturing na “high risk areas” ng OCTA.


“Naga-accelerate na nga (ang bilang ng kaso). Ang original projection namin ay aabot ng 2,000 cases by August 10. Pero August 1 pa lang ay umabot na siya ng 1,700 cases, sa NCR pa lang iyan,” ani OCTA fellow Guido David.


Naniniwala naman si David na dahil paiiralin na enhanced community quarantine ay hindi na lalampas sa 2,500 ang arawang kaso.


“Unlike kung walang lockdown baka umabot pa siya ng 8,000 pataas by the end of August,” dagdag niya.


Simula Agosto 6 hanggang 20 ay isasailalim sa mas istriktong quarantine status ang Metro Manila dahil sa banta ng Delta variant.