OCTA Research: Pagkalat ng Covid-19 bumabagal

NANINIWALA ang OCTA Research na bumabagal na ang pagkalat ng Covid-19 sa bansa kasunod ng pagbuti ng sitwasyon sa Metro Manila at Calabarzon.


Ayon sa OCTA, bumaba ng dalawang porsyento ang average cases sa 20,000 mula 20,700 cases sa nakaraang linggo.


“Every day, we’re having a negative growth rate,” ani OCTA fellow Dr. Guido David.


“We’re starting to see a pattern and in fact, we haven’t seen this pattern na puro negative growth rate since last April or May,” sabi pa niya.


Bagaman noong Sabado ay naitala ang 23,134 bagong kaso, mababa pa rin ito kumpara sa nakalipas na linggo na 26,000.


Ayon kay Guido, Isa sa nakaapekto sa pagbaba ng bilang ng mga kaso sa bansa ang pagbaba ng kaso sa National Capital Region, Calabarzon at Bulacan.


Sa NCR, naitala ng OCTA ang negative growth rate sa unang pagkakataon mula noong Hulyo, dagdag niya.


Nasa 5,200 ang mga kaso nitong nakalipas na isang linggo, bumababa ng 10 porsyento mula 5,841.