NAGBABALA ang OCTA Research Group sa muling pagsipa ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa bunsod umano sa inaasahang pagbaba ng bisa ng mga bakuna matapos ang tatlong buwan.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni OCTA Research fellow Prof. Guido David na base sa kasaysayan ng surge ng Covid-19 sa bansa, umaakyat ang mga kaso kapag bumababa ang bisa ng mga bakuna.
Nagsimula ang pagbaba ng mga kaso ng Covid-19 ngayong Marso.
“Base sa kasaysayan, tumataas ang mga kaso makalipas ang tatlong buwan at ito’y posibleng mangyari sa Mayo kung saan nasa election period pa tayo,” sabi David.
Aniya, mahalaga pa ring matiyak na nasusunod ang minimum health protocol sa bansa.
Nitong nakaraang Sabado, bahagyang naranasan ang pagtaas ng mga kaso matapos makapagtala ng mahigit 900 new cases.