NANINIWALA ang OCTA Research Group na posibleng nasa 90,000 kada araw ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Metro Manila, sa pagsasabing mas mataas ng limang beses ang totoong mga kaso kumpara sa opisyal na naiuulat.
Sa isang panayam, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ito’y base na rin sa mga datos sa mga nakaraang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
“Yung March surge last year nang kinumpara namin sa number of deaths na inilabas ng Philippine Statistics Authority, after the fact, it turned out mga five times higher, ganun kalaki,” paliwanag ni David.
“Kumbaga nag-surge ka, kung ano bilang mo times five pa noon sa isang region na nao-ooverwhelm ang resources niya,” dagdag pa ni David.
Aniya, sa ngayon nakakapagtala ng 18,000 kaso ng Covid-19 sa Metro Manila kada araw ay posibleng aabot ng 90,000 o limang beses na mas mataas.
“…which seems likely. It doesnt seem impossible kasi may nagpapa-antigen, may nagpapa-home care, merong hindi nagpapa-test at may merong nadedelay na test,” dagdag ni David.
Aniya, ngayong araw, posibleng umabot sa 41,000 ang mga kaso ng Covid sa buong bansa.
“I am expecting 41,000 today, kahapon 39,000, mukhang mahihigitan natin ang 40,000. Kung hindi mangyari ngayon, baka by tomorrow,” paliwanag pa ni David.