ISASAILALIM sa Alert Level 4 ang buong Metro Manila simula sa September 16 o sa pagsisimula ng pilot testing ng granular lockdown, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.
Nagkasundo umano ang mga mayor ng Metro Manila na magpatupad ng iisang alert level ang buong rehiyon paya sa “uniformity” at mas madaling pagpapatupad nito.
“Nagkasundo sila na magpatupad ng isang alert level for uniformity and easier enforcement dito sa NCR,” ayon kay Año.
Ang alert Level 4 sa Metro Manila ay mananatili hanggang September 30.
Nagdesisyon ang mga alkalde na ilagay sa Alert Level 4 ang Metro Manila dahil kung tutuusin ay mayorya ng mga lugar dito ay nasa Alert Level 4 nga, habang may ilan
naman ang kwalipikado na sa Alert Level 5.
Base sa bagong guidelines ng granular lockdowns, ang isang lugar na nasa Alert Level 4, ang ikalawang pinakamataas na alert level, ay iyong may mataas o tumataas na bilang ng transmission ng COVID-19 virus at may mataas na bed and intensive care unit utilization rates.