BINABANTAYAN ngayon ang National Capital Region (NCR) at limang iba pang lugar sa bansa dahil sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) bunsod ng isinasagawang mga pagtitipon dahil sa kampanya.
Ayon sa OCTA Research Group sa isinagawang Laging Handa briefing Sabado, ipinaliwanag ni Dr. Butch Ong na bukod sa Metro Manila, kabilang sa mga lugar na maaaring maranasan ang mga pagtaas ng COVID-19 ang Cavite, Rizal, Cotabato, Zamboanga at Batangas.
“So, tinitingnan natin kung ano ang magiging trend sa mga areas na iyon in the next, maybe, three to five days,” ayon kay Ong.
Nagbabala si Ong na magdudulot ng pagsipa ng mga kaso ang nangyayaring mass gathering dahil sa papalapit na halalan.
“As we have determined even before, iyong mass gathering at iyong campaign-related activities, are kumbaga, where infections can be transmitted. At we must still wear our masks,” dagdag ni Ong.
Nauna nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapasok na ang mas nakahahawang kaso ng Omicron subvariant sa bansa.