UMABOT na sa mahigit limang milyong Pilipino ang nabakaunahan kontra COVID-19.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. may kabuuang 5,100,023 Pinoy na ang nakatanggap ng bakuna kontra coronaviru disease simula nang i-rollout ang vaccination program noong Marso.
Sa isang panayam, sinabi ni Galvez na ito ay lagpas na sa target ng pamahalaan na maabot ang apat na milyong pagbabakuna bago mataos ang buwan ng Mayo.
“Nagpapasalamat po ako sa National Vaccine Operations Center sa pamumuno ni Undersecretary (Myrna) Cabotaje kasi natatutuwa po kami ngayon na-breach na po natin ang five-million kasi ang ating target ay at least four-million tayo bago matapos ang buwan ng Mayo,” sabi ni Galvez.
Sa tala, may 1.4 milyong healthcare workers o nasa A1 category na ang nabakunahan habang 1.37 milyon naman sa hanay ng senior citizen o silang na nasa A2 category. May 1.151 milyon naman na persons with comorbidities o nasa A3 category ang nabakunahan na rin.
Sinabi pa ni Galvez na nasa 1,189,353 Pinoy ang “fully protected after completing the two doses of vaccination.”