MALABO pang pairalin ang modified general community quarantine (MGCQ) sa mga lugar kung saan ipinatutupad ang general community quarantine (GCQ), kabilang ang NCR Plus, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Ani Duque, hindi pa maaaring mag-GCQ dahil nananatili pa ring mataas ang naitatalang daily community transmission.
“Well, hindi puwedeng mag-MGCQ,” aniya.
Isiniwalat ng opisyal na naglalaro sa pito hanggang walo ang daily attack rate sa Metro Manila.
“Ibig sabihin, patuloy ang community transmission, hindi napuputol ang kadena ng hawahan,” sabi niya.
Ipinunto rin niya na dumadami ang mga kaso sa mga probinsya na nagpataas sa total Covid-19 cases sa 8,748 noong Biyernes.
Sabi niya, mababa ang kontribusyon sa case load ng Metro Manila, pero “nakakatakot ang ibang lugar” gaya ng mga siyudad ng Iloilo at Puerto Princesa.