ISANG alert level na lang ang paiiralin sa mga lokalidad ng National Capital Region sa ilalim ng bagong Covid-19 policy ng pamahalaan.
Ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing, ito ang naiisip na paraan upang hindi magkumpulan ang publiko sa lugar kung saan may mababa na alert level.
“They (alkalde ng Metro Manila) were unanimous in saying NCR should only have only one alert level,” ani Densing sa isang panayam.
“Kahit may lower alert level ‘yung ibang siyudad, magkakadikit pa rin ho ‘yan sila. Ang mangyayari lang po diyan ay lilipat sila doon sa may mas mababang alert level at doon sila gagawa ng aktibidades,” dagdag niya.
Inihayag naman ng opisyal na pinaplantsa na ng Inter-Agency Task Force ang nasabing polisiya na ipatutupad simula Setyembre 16.
Kapag naaprubahan, paiiralin ang panuntunan nang dalawang linggo.
“It will be officially announced (sa Lunes), ‘yung pinaka-guidelines. Banggit ko nga, naaprubahan na ‘to. Meron lang tatlong issue na kailangan i-address, kaya na-delay,” paliwanag niya.
“Burahin na po sa isip muna natin dito sa NCR ‘yung mga CQ-CQ dahil ibang panuntunan na po yung ating gagamitin mula Sept. 16,” aniya.