Metro mayors pabor sa GCQ extension

IREREKOMENDA ng Metro Manila Council (MMC) na palawigin pa ang ipinatutupad
na general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region hanggang sa isang buwan, ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.


Sa kalatas, sinabi ni Olivarez na itutulak din nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ang pagbubukas ng mas maraming negosyo.


Kabilang sa nais nilang muling mag-operate ang mga outdoor amusement attractions.


Ani Olivarez, hindi maaring magpakampante ang pamahalaan at ang publiko kahit bumababa pa ang bilang ng mga kaso ng Covid 19 sa Metro Manila.


“Ang recommendation ng Metro Manila Council ay GCQ pa rin po tayo pero may konting pagbubukas ng iba pang negosyo,” ani Olivarez.


“‘Di po tayo pwede mag-relax. Alam po nating bumababa ang cases at utilization ng healthcare pero di po tayo kailangan mag-relax para totally ma-contain ang Covid na ito,” dagdag niya.


Inaasahang iaanunsiyo ngayong araw ng Malacañang ang bagong quarantine classification ng Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.