Lider ng kulto nang-rape ng 3 bata, arestado

HIMAS-REHAS ang umano’y lider ng isang kulto sa Quezon City matapos siyang ireklamo ng panggagahasa sa tatlong batang babae.


Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si Romeo delos Reyes, 46, janitor at albularyo. Nakunan siya ng mga bala nang dakpin.


Ayon sa reklamo, ginahasa umano ni Delos Reyes ang tatlong bata sa kanyang bahay na ginawa niyang templo ng kanyang kulto.


Naganap ang mga panggagahasa, sabi nila, nang minsan silang makitulog sa bahay ng kanilang cult leader.


Sinabi ng mga biktima, may edad 10, 12 at 14, na hinahawakan din ng suspek ang maseselang bahagi ng kanilang katawan sa isang “seremonya” ng kulto bilang pagbabasbas umano.


Todo-tanggi naman ang suspek na ni-rape niya ang mga paslit pero inamin niya na minsan niyang nahawakan ang dibdib ng mga ito.


Nahaharap siya sa mga kasong Rape in Relation to Child Abuse at Illegal Possession of Ammunition.