WALA pang desisyon ang Malacañang kung palalawigin pa ang ipinaiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at sa apat na probinsya sa pagtatapos ng buwan.
Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, pag-aaralan pa ng pamahalaan ang mga datos bago magdesisyon.
“Sa ngayon po I think premature na mag-speculate kung ano magiging classification natin. Ang importante po palagi, tingnan ang daily attack rate, two-week average attack rate at saka ang healthcare utilization rate,” aniya.
Sa kasalukuyan, dagdag ng opisyal, bumababa na ang bilang ng mga bagong tinamaan ng Covid-19.
“Well kahit papaano nakikita namin na bumababa. Hindi na tayo nagti-ten thousand ngayon, pero siyempre hindi tayo satisfied diyan ‘no at tingnan muna natin hanggang matapos itong two-week MECQ ‘no kung gaano talaga ang ibinaba ang mga kaso,” aniya pa.