NILIWANAG ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na bagamat hindi maaaring makaboto ang mga nagpositibo sa COVID-19 na nasa mga isolation facilities, papayagang pa rin makaboto ang mga indibidwal na may sintomas ng virus.
Sa isang press briefing, idinagdag ni Garcia na nasa responsibilidad na ng mga lokal na pamahalaan, partikular ang mga barangay na tiyakin na hindi makalalabas ang mga nagpapagaling sa isolation facility.
“Basta nakapila sa presinto anuman po ang kalagayan sa kalusugan, nararamdaman ng isang botante subalit nandiyan siya at ang kaniyang registration ay aktibo, siya po ay pabubotohin po natin. Pero at least, iyon po ang nililiwanag natin, wala po tayong ibang hahanapin na ibang dokumento sa pagboto nila,” sabi ni Garcia.
Aniya, maglalaan ng isolation polling precinct ang Comelec kung saan dadalhin ang mga indibidwal na may Covid-19 para bumoto.