SINAMPAHAN na ng reklamo ang Pinay na galing ng Estados Unidos noong isang buwan, na imbes na mag-quarantine sa hotel ay dumiretso ng kanyang condo at nagpamasahe.
Si Maria Bernalyn Muñoz ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 9 (non-cooperation) of Republic Act 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang kalatas.
Isinampa ang kaso alas 1:33 p.m. nitong Huwebes sa Makati City Prosecutor’s Office.
Matatandaan na kumalat ang balita tungkol kay Muñoz matapos ang isa pa ring insidente ng paglabag ng quarantine protocol ni Gwyneth Anne Chua.
Dumating sa bansa si Muñoz noong Disyembre 22, 2021. At imbes na sumakay sa shuttle bus na magdadala sana sa kanya sa Seda hotel sa Makati City na isang quarantine facility ay dumiretso ito sa kanyang condo sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Habang nasa kanyang condo ay nagpatawag ito na magmamasahe sa kanya noong Disyembre 29. Sinasabing makailang ulit din siyang lumabas ng kanyang condo, kabilang na noong bisperas ng Bagong Taon.