PATULOY ang masasayang araw ng mga lasenggo dahil na rin sa walang takot na pagbebenta ng alak ng mga may-ari ng tindahan sa Metro Manila at karatig probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine o ECQ.
Ayon sa nakapanayam ng PUBLIKO, nakabibili pa rin ang mga lasenggo ng alak at beer sa mga patagong nagbebenta ng mga ito. Anila, kahit malaki ang ipinapatong na presyo rito ng mga tindahan ay patuloy pa rin itong kinakagat ng mga lasenggo.
Napag-alam na P30 o higit pa ang ipinapatong sa bawat bote ng long neck habang P3 naman sa kada bote ng beer. Ang patok sa publiko na “gin bulag” ay mabibili naman sa halagang P100 mula sa dating presyo nitong P70 kada bote.
“Kahit sa panahon ng ECQ at kahit na may liquor ban, tuloy-tuloy ang ‘walwalan’ ng mga lasenggo sa kani-kanilang lugar at walang pakialam ang mga ito sa ipinatutupad na ban ng mga local na pamahalaan,” ayon sa isang opisyal ng barangay sa Valenzuela City.
Dagdag pa nito, walang mangyayari sa ginagawang kampanya ng pamahalaan laban sa COVID-19 kung ganito rin lang ang ginagawa ng mga pasaway na mamamayan na patuloy sa kanilang ginagawang inuman.