BALIK na sa modified enhanced community quarantine ang lalawigan ng Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City simula sa Lunes, Agosto 16, ayon sa Palasyo.
Mananatili namang nasa enhanced community quarantine ang Metro Manila hanggang Agosto 20 habang hanggang Agosto 22 ang Bataan, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.
Bukod dito, inilagay din sa MECQ mula Agosto 16 hanggang Agosto 31, 2021 ang Apayao; Ilocos Norte; Bulacan; Cavite, Lucena City, at Rizal sa Region 4-A para sa Luzon; at Aklan, at Iloilo Province sa Region 6, at Lapu-Lapu City, Mandaue City, at Cebu City sa Region 7 para sa Visayas.
Samantala, inilagay sa GCQ with heightened restrictions mula Agosto 16 hanggang August 31, 2021 ang Ilocos Sur; Cagayan; Quezon at Batangas sa Region 4-A at Naga City para sa Luzon; Antique, Bacolod City at Capiz sa Region 6; at Negros Oriental at Cebu para sa Visayas; Zamboanga del Sur; Misamis Oriental; Davao City, Davao del Norte, Davao Occidental at Davao de Oro sa Region 11 at Butuan City for Mindanao.
Samantala, ang Tarlac ay nasa regular na GCQ mula Agosto 13 hanggang Agosto 31, 2021.
Inilagay din sa GCQ mula Agosto 16 hanggang Agosto 31, 2021 ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region; Santiago City, Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya sa Region 2; Batangas at Quezon sa Region 4-A at Puerto Princesa para sa Luzon; Guimaras at Negros Occidental sa Region 6; Zamboanga Sibugay, Zamboanga City at Zamboanga del Norte sa Region 9; Davao Oriental at Davao del Sur sa Region 11; General Santos City, Sultan Kudarat, Sarangani, North Cotabato at South Cotabato sa Region 12; Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands sa CARAGA at Cotabato City sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mananatili naman sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang iba pang lugar sa bansa mula Agosto 16 hanggang 31, 2021.
Nitong Huwebes, naitala ang 12,439 bagong kaso ng coronavirus disease, habang nasa 1.7 milyon na ang kabuuang kasong nairekord.