EMOSYONAL na ikinuwento ng singer-actress na si Angeline Quinto ang pakikipaglaban niya sa coronavirus disease.
Si Angeline ang pinaka-latest na celebrity ang tinamaan ng Covid-19.
Sa kanyang video blog, mangiyak-ngiyak niyang inilahad ang pakikipaglaban sa nakamamatay na sakit.
Kwento niya, ang aide na kasa-kasama niya sa trabaho lalo na sa lock-in taping nila sa teleseryeng “Huwag Kang Mangamba”, ay nagpakita ng sintomas ng virus. Nang tingnan ng doktor na kasama sa taping, pinayuhan itong umuwi sa Maynila at mag-isolate.
Isang backup assistant ang dapat ay sasamahan si Angeline, ngunit nagpositibo ito sa virus.
Kwento ni Angeline, bago ito ay nakasama niya ng ilang araw ang backup assistant bago pa ang shooting.
Sinimulan na rin ang contact-tracing sa mga nakasama at nakausap ng sinasabing back-up assistant ni Angeline.
Dagdag pa ng aktres umuwi siya at nagpa-swab test at saka nag-isolate.
Marso 26 nang siya ay magtest at matapos ang ilang araw nang malaman niya ang resulta na nagpositibo nga siya sa virus.
“Kahapon po nagpa RT-PCR test ako, medyo may nararamdaman talaga ‘kong hindi tama nu’ng mga nakaraang araw. Parang nag-e-LBM ako, parang akong nilalagnat ganyan eh hindi naman ‘yun normal ho sa akin lalo madalas ho akong nagpupunta ng trabaho. Dumating na nga po ‘yung resulta nung Red Cross. Nakakalungkot kasi nag-positive po ako sa Covid. Ito pa naman ‘yung lagi kong sinasabi sa mga katrabaho ko mga kaibigan ko lagi kayo mag-iingat. Parang this time sarili ko yata ‘yung ‘di ko naingatan,” she said.
At dahil mild symptoms lang ang meron siya, nagawa pa rin anyang makapagtrabaho kahit virtual lang.
Kwento pa niya, dahil ayaw niyang makahawa, siya lang talaga ang tumingin at kumalinga sa sarili niya.