KINUMPIRMA ng Department of Health (DoH) na nakapasok na sa bansa ang B. 1.617 Covid-19 variant, na mas kilala bilang double mutant, na unang nadiskubre sa India noong Oktubre 2020.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kapwa seafarer ang dalawang Pinoy na tinamaan ng double mutant virus. Nanggaling sila sa Oman at United Arab Emirates.
Ang isa sa mga pasyente ay ang 37-anyos na umuwi mula sa Oman noong Abril 10 habang ang ikalawa ay ang 58-anyos na dumating noong Abril 19.
Kapwa sila lalaki. Sinabi ng DoH na hindi nagbiyahe ang dalawa sa India. Kapwa sila asymptomatic at gumaling na.
Samantala, sinabi ni Epidemiology Bureau Director Althea de Guzman na walang nailistang close contact ang dalawa.
“Dahil ang ating mga kaso pagdating ay nalagay sa quarantine, wala po tayong na-detect na close contacts,” aniya. Ang nasabing variant ang pinaniniwalaang responsable sa pagdami ng Covid-19 cases sa India. –WC
Larawan mula sa Reuters