Konsehal, empleyado ng DOJ nakasingit din sa pila sa bakuna

vaccine

MALIBAN sa aktor na si Mark Anthony Fernandez, nakasingit din umano sa pila ng Covid-19 vaccine priority line sa Parañaque ang isang konsehal at isang empleyado ng Department of Justice.


Rebelasyon ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III: “Naka-receive ako ng information ngayong umaga na merong konsehal sa Parañaque na nagpabakuna rin kahapon at meron din isang empleyado ng Department of Justice na hindi binigay sa akin ang pangalan. Mga nagsumbong lang. So, talagang hindi nila sinunod ang priority list.”


Kahapon ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte na imbestigahan ang pagbakuna kay Fernandez sa Paranaque.


Ipinagtanggol naman ni Mayor Edwin Olivarez ang pangyayari at sinabing mayroong comorbidities si Fernandez gaya ng hypertension at depression kaya kwalipikado itong maging substitute sa listahan.


Pero salag ni Densing: “Hindi sila nag-provide ng listahan kung sino ang nag-substitute. Either nagpalakasan or nagkabayaran o hindi natin malaman. Kaduda-duda ang kanilang subsitution list dahil kapag hindi sumipot ang naka-schedule ay basta-basta na lang papalitan ng kung sinong gusto nila.”