KINUMPIRMA ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang kumakalat sa social media na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Quezon City.
“Mayroon talagang pagtaas ng kaso dito po sa Quezon City and even in other parts of Metro Manila. Pero ang lagi po nating titingnan, accepted na dapat natin that the virus is here, that the virus will still cause infections,” sabi ni Vergeire.
Ito ay matapos kumalat na nasa yellow alert ang Quezon City, dahilan para magpatawag ng emergency meeting ang mga opisyal ng lungsod.
Idinagdag ni Vergeire na 14 na lungsod sa Metro Manila ang nakitaan na ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
“Ang kailangan nating bantayan ngayon ay huwag magkaroon ng mga malulubhang kaso, huwag pong mapuno ang ating ospital. So, kailangan lang tuluy-tuloy tayo sa pagprotekta sa ating sarili by wearing the mask always,” aniya.