PLANONG bakunahan ng pamahalaan ang 45 porsyento ng 13 milyong populasyon ng Metro Manila hanggang sa matapos ang paiiralin na dalawang-linggong enhanced community quarantine.
Isasailalim sa pinakamahigpit na quarantine status ang National Capital Region mula Agosto 6 hanggang 20.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos, kaya umanong magbakuna nang hanggang 250,000 kada araw sa Metro Manila.
“Kung ‘yan po ay tuloy-tuloy, we will be able to vaccinate 45 percent of our population na dalawa na po ang dosage,” ani Abalos.
“Kung protektado ang Metro Manila, mapoproteksyunan na rin po natin ang buong bansa,” dagdag niya.
Papayagang lumabas ang mga residente na magpabakuna sa gabi kahit ipatutupad ang mas pinaagang curfew hours na alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.
Tuloy rin ang pasada ng mga pampublikong sasakyan para maihatid sa vaccination sites ang mga magpapabakuna. –A. Mae Rodriguez