Isko kinastigo nagpaboksing sa kalye

HALOS bulyawan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga organizer ng paboksing sa Tondo kamakailan na dinumog ng mga residente.


Iniharap sa media ni Moreno ang tatlo sa mga pasimuno ng paboksing, na nakunan ng video, kabilang ang isang barangay kagawad.


“O, masaya na kayo? Nagkatuwaan kayo, di masaya na kayo, tama ba?” ani Moreno sa tatlo.


“Kaya tayo pinagtatawanan sa Tondo. Tingnan ninyo, o kayo naman ang humusga diyan. Tingnan n’yo kung nasa tama tayo. Wala akong makitang tama tayo rito. Halos di na natutulog ang gobyerno ng Maynila mailagay lang kayo sa ayos, kayo naman nagpapariwara,” dagdag ng alkalde.


Inamin naman ng mga organizer na alam nilang laganap pa rin ang Covid-19 sa bansa at umiiral ang heightened general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila kaya bawal magkumpol-kumpol ang mga residente.


Dahil sa insidente, sinabi ni Moreno, lalong hindi igagalang ng mga tao ang mga ipinatutupad na health protocols ng pamahalaan dahil mismong mga opisyal ang sumusuway rito.


“Hindi talaga tayo igagalang ng tao, pagtatawanan tayo. Para bang ang tatapang natin sa Covid,” dagdag niya.


Kabilang ang Tondo sa may pinakamaraming kaso ng Covid-19 sa siyudad.