NAHULI ng Department of Tourism ang isa lang balikbayan na lumabag sa COVID-19 mandatory quarantine protocols matapos nitong i-post sa social media ang ginawa niya pagpapa-spa.
“Actually meron pa isang kaso e. Binigay ‘yung pangalan, nag-skip ng quarantine, in fact nag-post pa sa social media nagpapamasahe siya. Nahuli na rin,” ani Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Hindi naman pinangalanan ni Romulo-Puyat ang pasaway na balikbayan.
Ito na ang ikalawang insidente ng paglabas sa isolation facility nang hindi tinatapos ang itinakdang araw ng quarantine.
Matatandaan na dahil sa paglabag niya mandatory quarantine protocols ay nahawahan umano ni Gwyneth Anne Chua ang 15 katao na kanyang nakasalamuha.
Samantala, sinabi ni Romulo-Puyat na tinitingnan nila ang posibilidad na mayroon sindikato na nasa likod ng pagluluwag sa ilang quarantine centers at hotels.
“We are working with the (Bureau of Quarantine) at the coast guard saka the (Department of the Interior and Local Government), lagi naman kami nagpapaalaala sa mga hotel kasi naririnig na nga namin ‘yung mga may ganito daw, ‘yung absentee quarantine,” paliwanag niya.
“So ang gagawin na lang namin together with the other authorities, huhulihin na lang. Kasi siyempre lagi naman nila dini-deny pag tinatanong namin sa hotel, na narinig namin na may ganito silang patakaran, lagi naman nila dini-deny, so anyway, marami naman na nagbibigay ng mga pangalan, huhulihin na lang namin,” aniya pa.
“For example the second or third day, che-check na lang namin kung talagang naka-quarantine sa hotel na ‘yun,” sabi pa ng opisyal.