SINABI ni Associated Labor Union-Trade Union of the Philippines (ALU-TUCP) chairman Alan Tanjusay na inaasahang magiging problematic ang pagsisimula ng ‘no vax, no ride,’ policy bukas.
“Naku magiging problematic yan bukas sa unang araw ng pagpapatupad ng polisiyang yan. Unang-una perwisyo yan sa mga manggagawa dahil kakaunti na naman ang mga papasadang mga jeepney at mga bus,” sabi ni Tanjusay sa panayam sa DZBB.
Idinagdag ni Tanjusay na may mga manggagawa na hindi pa kumpleto ang kanilang bakuna.
“Problema sa access, problema sa schedule, pangalawa problema sa ecperience sa unang dose ng vaccine. Marami sa kanila ang nakaka first dose pa lamang at marami sa kanila ay wala pang vaccine card,” dagdag pa ni Tanjusay.
Aniya, labag din sa Republic Act 11525 ang pagrerequire ng vaccination card bago makasakay ang isang indibidwal.
Ayon pa kay Tanjusay, mas liliit din ang bilang ng mga papasadang pampublikong transportasyon dahil maraming mga driver din ang hindi pa bakunado.