LAST option o kung wala nang iba pang opsyon ang gobyerno ay saka lamang nito ikokonsidera ang pag-takeover sa mga hotel para gawing mga COVID19 facilities sa sandaling hindi humupa ang pagdami ng kaso ng coronavirus disease.
Ito ang sinabi Linggo ng umaga ni Cabinet Secretary Karlo Nograles hinggil sa napaunang banta ni Pangulong Duterte na hindi siyang mangingiming i-takeover ang mga hotel para gamiting mga pasilidad ng mga nahawaan ng virus.
Paliwanag ni Nograles, may kapangyarihan ang pangulo na ipag-utos ang takeover ng mga hotel lalo pa’t ang bansa ay nasa ilalim ng state of public health emergency.
Sinabi pa ni Nograles na pokus muna ng gobyerno na madagdagan ang kapasidad ng mga ospital para makaagapay sa pagdami ng mga kaso ng tinatamaan ng COVID-19.
Nauna nang nagbanta si Duterte na aatasan niya ang militar at pulis na okupahan ang mga hotel sa harap ng mga ulat na namamatay ang mga pasyente sa labas ng mga ospital.