NANINIWALA ang isang grupo ng mga doktor sa bansa na walang dahilan para isailalalim ang Metro manila sa Alert Level 4.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Philippine College of Physicians (PHP) president Dr. Maricar Limpin na sapat naman ang ginagawang hakbang ng national government at ng mga lokal na pamahalaan.
“Mukha naman na nasa tamang direksyon, so we will not actually say, or recommend na itaas ang alert level…Napansin naman naming maganda yung naging effect sa mga mamamayan natin dahil hindi na masyadong naglalabas ang mga tao…maybe natatakot sila dahil nakikita nila kung gaano kadami ang mga tinatamaan ng Covid-19 sa araw-araw,” sabi ni Limpin.
Inamin naman ni Limpin na halos puno na ang mga intensive care unit (ICU) sa mga ospital bunsod na rin ng dumaraming kaso ng Covid-19.
“Halos lahat ng ospital ngayon halos puno ang emergency department, medyo napupuno na rin medyo malapit na ring mapuno ang mga ICU pati na rin ang mga regular wards,” dagdag ni Limpin.
Aniya, 85 porsiyento ng mga pasyenteng nasa ICU ay hindi bakunado.