MALAPIT nang mapuno ang mga ospital sa Pilipinas dahil sa pananalasa ng mas nakahahawang Covid-19 Delta variant.
Sa 1,291 ospital sa buong bansa, umabot na sa critical level na 85 percent occupancy ang 236 sa mga ito.
Sa Metro Manila, ang sentro ng outbreak, lumalabas na 25 sa 159 ospital ay halos umapaw na rin.
Inihayag naman ng St. Luke’s Medical Center na puno na ang kanilang Covid-19 wards at critical care units sa mga branches nila sa Quezon City at Taguig.
Sa kalatas, sinabi ng ospital na ilang pasyente na naghihintay na ma-admit ay kasalukuyang nasa emergency rooms pa.
Dahil dito ay hinikayat ng St. Luke’s ang ibang mga pasyente na humanap ng ibang ospital.
Napag-alaman na nag-full capacity ang
mga branches ng nasabing ospital sa simula ng enhanced community quarantine noong Biyernes. –A. Mae Rodriguez