SINABI ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na tanging healthcare workers lamang ang papayagang lumabas sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdown.
Sa isang panayam, idinagdag ni Eleazar na inatasan na niya ang mga police commander sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa ipatutupad na granular lockdown.
“Sa alert 4 o granular lockdown ang mga authorized person na papayagang lumabas ay yung mga health care worlers. All other APOR, like yung mga permitted industries hindi na rin po yun, health care workers lang,” sabi ni Eleazar.
Nauna nang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) kay Pangulong Duterte na ipatupad ang granular lockdown imbes na ang isang quarantine classification para sa buong Kamaynilaan.