UMAPELA si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga health workers na ikonsidera ang bantang mass resignation sa gitna nang matinding kaso ng coronavirus disease na kinakaharap ngayon ng bansa.
Nagbanta ang mga health workers na magbibitiw na lang sila dahil sa kabiguan ng pamahalaan na maibigay ang mga benepisyong ipinangako sa kanila.
“Kami po ay nakikiusap, unang-una na sa ating mga health care workers na kung mayroon po tayong mga hinaing, kami po naman ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga organisasyon ng health care workers at amin pong pinapakinggan ang kanilang mga dinudulog at kung magagawa namin agad-agad, ginagawa namin agad-agad kung ano ang mga kailangan nila,” sabi ni Vergeire.
Ayon sa ulat, hindi pa rin natatanggap ng 80 porsiyento ng mga health workers ang mga ipinangakong benepisyo ng pamahalaan.
“So, sana po mapag-usapan natin lahat ito pong mga inyong hinanaing para po hindi tayo umabot dito sa mga ganitong action dahil ito po ay makakaapekto lalung-lalo na ngayon sa sitwasyon natin na kailangan namin kayo para alagaan ang ating mga kababayan,” ayon pa kay Vergeire.