BUMABA nang bahagya ang Covid-19 reproduction rate sa Metro Manila sa 1.91 mula 1.99 hanggang kahapon, ayon sa OCTA Research.
Pero paglilinaw ng grupo, hindi pa masasabi kung simula na ito ng tuloy-tuloy na pagkonti ng mga naitatalang bagong kaso sa National Capital Region, na ngayon ay nasa general community quarantine bubble kasama ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.
Ang reproduction number na isa o mas mataas ay indikasyon ng patuloy na pagkalat ng virus.
Matatandaang sinabi ng research group na magkakaroon ng pagbaba ng mga kaso makaraan ang isang buwan matapos ilagay sa bubble ang NCR Plus.
Kahapon ay umabot sa 6,666 ang mga bagong kaso, mababa ng bahagya sa 7,000-8,000 na naitala mula noong nakaraang Biyernes.