Dinagsa ng mga gustong magpabakuna kontra-Covid-19 ang mga vaccination sites sa Metro Manila ngayong araw bunsod ng muling paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit.
Sa Maynila at Marikina, karamihan ng mga dumarating sa bakunahan ay gustong magpa-booster.
Dahil sa buhos ng tao, ayon sa ulat, kinakailangan nang magdagdag ng vaccination sites para mas marami ang mabakunahan.
Sa Marikina, agad na-fully booked ang binuksang 4,500 slots kada araw para sa booster shot hanggang Enero 14 sa dami ng nag-book online, ayon sa mga opisyal.
“Dumarami ang nagnanais magpabakuna at aktuwal na nagpapabakuna dahil sa banta ng Omicron at dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19,” ani Marikina Mayor Marcelino Teodoro.
“Marami rin tayong nakikita na dati hindi nagpapabakuna, seniors at pedia, dahil natatakot din sila na magkasakit at maospital,” dagdag ng alkalde.
“Simula bukas ay magdadagdag tayo ng tatlo pang vaccination sites. May target output na 10,000 (indibidwal kada araw),” sabi pa ni Teodoro.
“Marami talaga ngayon ang nagpapabakuna. Mostly come for their booster,” ayon naman kay Maria Carmen Macalalad, head nurse sa Covid-19 vaccination site sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila.
Sa datos ng Department of Health, karamihan sa mga bagong kaso na may malalang sintomas ay mga hindi bakunado.
Ayon kay Vaccine Expert Panel Chairperson Dr. Nina Gloriani, kahit may mga bakunadong nahahawahan ng sakit ay maliit ang posibilidad na magkaroon sila ng malalang sintomas.
“Kapag magpabakuna kayo ng at least isa man lang (na dose), mayroon kayong proteksiyon na hanggang 52 percent against hospitalization. Hindi natin sinasabi na against infection, kasi napakabilis ng transmission sa ating Omicron, so napakalaki ng probability na makakakuha kayo kapag nakasalamuha ninyo ang may dala-dala ng virus na ito,” ani Gloriani.
“Pero ‘yung pangalawang bakuna, magtataas pa ng protection to about 72 percent against hospitalization at ang maganda ring balita ay ang booster, third dose ay nakakapagbigay ng up to 90 percent na protection against the Omicron variant. So importante po na makapagpabakuna lahat,” dagdag ng opisyal.