TINIYAK ng Palasyo na hindi mauubusan ng pondo ang gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng bansa kontra COVID-19 pandemic.
Sa press briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque mayroong tatlong source of funding na maaaring pagkunan ng pondo na gagamitin para tulungan ang mga mamamayan na apektado ng dalawang linggong enhanced community quarantine sa National Capital Region.
Tinukoy ni Roque ang tatlong source of funding mula sa dibidendo ng mga Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs, savings ng mga ahensiya na nasa ilalim ng Executive Department at ang supplemental budget na ipinasa ng Kongreso.
Ayon pa sa opisyal, binabalanse ng pamahalaan ang mga hakbang nito para labanan ang pandemya habang patuloy na iniaangat ang takbo ng ekonomiya ng bansa.