SINABI ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na hindi pa umaabot sa critical level ang suplay ng oxygen sa bansa sa kabila ng tumataas na kaso ng mga naoospital dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
“Fortunately hindi naman po tayo umabot sa critical point na talagang nag-aagawan ng oxygen,” sabi ni Domingo sa Talk to the People ni Pangulong Duterte.
Idinagdag ni Domingo na minamadali rin ng FDA ang pagproseso sa aplikasyon ng mga nais magtayo ng oxygen plant sa bansa.
“May isa pong malaking kompanya dito po sa Calamba na malapit na po nating malisensyahan para po madagdagan ang supply dito po sa Luzon. Doon naman po sa Visayas, ‘yung isang ospital natin, ‘yung Western Visayas Medical Center ay ano po, pupuntahan din po natin bukas na para po mapaandar ‘yung kanila pong oxygen manufacturing plant,” ayon pa kay Domingo.
Idinagdag ni Domingo na maayos pa rin ang suplay ng mga oxygen din sa Mindanao.
“At sa Mindanao, mayroon po tayong tatlong ospital diyan, ‘yun pong sa Dapitan, ‘yun pong Jose Rizal Hospital po natin sa Dapitan, okay na po ‘yung kanilang oxygen plant,” ayon pa kay Domingo.