NANAWAGAN ang Palasyo na ipatupad ng bawat pamilyang Pilipino ang family lockdown para malabanan ang banta ng coronavirus Delta variant.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat pigilan ang paglabas ng mga miyembro ng pamilya ngayong tumataas na naman ang mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa.
“Huwag na tayong mag-rely pa sa mga ECQ-ECQ…family lockdown ang solusyon po dito,” ayon kay Roque.
“Nananawagan po ako sa lahat ng hepe ng mga pamilya – hindi ko naman po masabing padre dahil marami tayong mga OFWs na marami ring mga madre de pamilya, mga lolo de pamilya– family heads, mag-declare na po kayo ng household lockdown,” sabi ni Roque.
“Huwag ninyo nang palabasin ang inyong mga mahal sa buhay dahil baka mamatay pa iyan dahil sa Delta variant – by order of the head of the family!” dagdag ni Roque.
Magsisimula ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila sa Agosto 6 at tatagal hanggang Agosto 20, 2021.