Face-to-face classes nakasalalay sa bakuna

NAKASALALAY sa dami ng mga Pilipino na mababakunahan laban sa Covid-19 ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte ukol aa pilot run ng face-to-face classes, ayon sa Malacañang.


“Sang-ayon po sa batas, ang magdedesisyon niyan ay ang Presidente pero upon recommendation ng Department of Education,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


“Kung maaalala n’yo po, matagal nang nag-recommend si (Education) Secretary (Leonor) Briones na magkaroon ng pilot face-to-face sa mga lugar na mababa ang kaso at ang desisyon ng Presidente ay hintayin muna natin na mabakunahan ang marami sa ating mga kababayan,” dagdag ni Roque.


Nauna nang isinulong ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua na payagan na ang face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang mga kaso ng Covid-19.


“So, it will really depend kung gaano karami na po ang gustong makita ni Presidente na nabakunahan. Pero ngayon po, medyo marami-rami na rin po ang nabakunahan natin. Let’s just say that siguro tinitingnan lang ni Presidente kung mayroon ng enough confidence na magsimula na ang pilot,” dagdag pa ng opisyal. –WC