TULUYAN na ngang humusay ang lagay ni dating Pangulong Joseph Estrada, ayon mismo sa kanyang anak na si dating Senador Jinggoy Estrada.
Sa inilabas na medical bulletin ng pamilya Estrada, inilagay na sa regular room ang dating presidente at saka ililipat sa non-covid area sa mga susunod na araw.
“My father is back to a regular room and will be transferred to the non-covid area in a few days,” ayon sa dating senador.
Gayunman, nananatili pa rin ang matandang Estrada na naka-oxygen “but no longer high flow and only by nasal cannula.”
Wala na rin anya itong lagnat at maayos na ring nakakakain. Nakakausap na rin ito nang normal.
Muling nagpasalamat si Jinggoy sa mga tagasuporta ng pamilya Estrada at mga kaibigan na patuloy na nagdarasal para sa madaliang paggaling ng dating pangulo.
Matatandaan na nalagay sa peligro ang buhay ng matandang Estrada matapos itong tamaan ng coronavirus disease magdadalawang linggo. Isinugod ito sa ospital nang makaramdam nang panghihina ng katawan at hirap sa paghinga.