NAGBABALA ngayong Linggo ang OCTA Research Group na posibleng maging superspreader event ang Dolomite Beach matapos itong dagsain ng mga tao.
Sa isang panayam sa DZMM, tahasang sinabi ni OCTA fellow, Prof. Guido David na pang Alert Level 1 na ang pagdagsa ng mga tao sa Dolomite Beach.
Sa taya, umabot sa 4,000 katao ang dumagsa sa Dolomite beach nitong Linggo.
“Posibleng superspreader yan kahit na sabihin nating may mga bakunado. Yung mga bakunado pwede pa rin nilang madala ang virus sa ibang tao, tapos nasa beach at maraming batang hindi bakunado, talagang possible na superspreader event yan,” sabi ni David.
Aniya, dapat maghinay-hinay ang mga tao sa paglabas dahil patuloy pa rin ang banta ng coronavirus disease (Covid-19).
“Hindi naman nangangahulugan na back to normal na tayo, na pwede na tayong magpuntahan sa beach. Sana’y maghintay-hintay lang tayo ng konti para sa ganito kasi pababa na rin naman ang mga kaso,” ayon pa kay David.