DOH sa deboto: Huwag humalik sa santo, imahen

MAY panawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko ngayong Semana Santa bunsod pa rin ng patuloy na banta ng Covid-19.

Sa kanyang ulat sa Talk to the People kagabi, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat iwasan ang paghalik sa mga santo ngayong Holy Week.

“Pinapayuhan din po ng Kagawaran ng Kalusugan ang publiko na iwasan ang paghalik sa mga santo at santa at iba pang imahen o poon sa ating mga simbahan dahil maaari po itong maging paraan ng pagkalat ng virus,” sabi ni Vergeire.

Idinagdag ni Vergeire na dapat ding tiyakin ang pagsunod sa mga health protocol sa mga simbahan.

“Manatiling ligtas po tayo habang ating pong pina-practice ang minimum public health standards ngayong Semana Santa,” aniya.

Idinagdag ni Vergeire na dapat ding iwasan ang pagpapapako sa krus.

“Bagama’t alam po namin na marami sa atin ang tunay na deboto at may panata, kung maaari pa lang po sana maiwasan natin ang mga aktibidades kagaya ng pagpepenitensya sa paraan nang pagpapapako sa krus at iba pa ho upang maiwasan natin ang tetanus at pagkakaroon ng sugat at impeksyon,” ayon pa kay Vergeire.