INAMIN ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa naaabot ng bansa ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19).
“Base po sa projections na ginagawa ng ating mga eksperto, ang peak po ng mga kaso, katulad ng aming sinasabi, it’s not going to happen soon,” sabi ni Vergeire.
Kinontra ni Vergeire ang pahayag ng OCTA Research Group na dinaranas na ng bansa ang peak ng Covid-19.
“Sa atin pong projections na naipakita sa amin kahapon sa IATF ng ating experts, it’s going to happen towards the end of January or even as late as second week of February. So ito pong mga kaso, patuloy pa rin hong tataas kaya po lahat tayo ay mag-iingat; lahat po tayo ay magpabakuna na kung eligible na para po makatulong tayo na hindi natin maabot iyong mga projections na ipinapakita sa atin ngayon ng mga numero at ng ating mga eksperto,” aniya.